Hanggang sa buwan ng Marso ay matatanggap na ng mahigit 400,000 na mga senior citizen ang kanilang social pension na hindi naibigay noong huling quarter ng 2021.
Inihayag ito sa pagdinig ng Senate Committee on Social Justice at Welfare and Rural Development ni Analiza Salud, national focal person of social pension ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ayon kay Salud, naibigay na ang pondo sa local offices ng DSWD at mayroon na ring payroll para mapabilis ang pamamahagi ng social pension na ₱500 kada buwan.
Paliwanag ni Salud, ang pagkaantala ng social pension sa ilang senior citizens ay resulta ng pagkansela ng pay-outs ng ilang tanggapan ng DSWD dahil sa COVID-19 pandemic.
Sabi ni Salud, nakumpleto naman ang pagbibigay ng pension noong nakaraang taon sa mahigit 3.4 milyong senior citizens.
ito aniya ay 89.52 percent ng mahigit 3.86 milyon na maralitang senior citizens na benepisaryo ng social pension program.