Nagkaisa Labor Coalition, suportado ang ipinatutupad na isang metrong pagitan ng mga pasahero sa mga pampublikong sasakyan

Hinikayat ng grupong Nagkaisa Labor Coalition ang Inter-Agency Task Force (IATF) upang hindi magkahawaan ang mga manggagawa, dapat umanong sundin ang iniaatas ng World Health Organization (WHO) at ng Department of Health (DOH) na isang metrong layo ng mga pasahero sa loob ng mga pampublikong sasakyan.

Ayon kay Nagkaisa Labor Coalition Chairperson Atty. Sonny Matula, nagpapaabot ang kanilang grupo ng pakikiisa sa posisyon na #IsangMetroLigtasTayo ng Move as One Coalition.

Paliwanag ni Atty. Matula, dapat tindigan at isulong ng mga manggagawa at ng mga unyon ang kaligtasan at kalusugan sa lugar ng paggawa, sa pampublikong transportasyon at sa komunidad.


Paliwanag ni Atty. Matula, napag-iiwanan na umano ang mga manggagawa ngayong panahon ng pandemic dahil hindi sapat ang mga PPEs, walang bayad na quarantine leaves, walang hazard pay para sa private sectors, walang COVID testing, kulang ang public transportation, walang labor inspections para matiyak na sumusunod sa health protocols at ngayon aniya ay gusto nilang ipahamak ang buhay ng mga manggagawa sa loob ng pampublikong sasakyan.

Hinamon pa ni Atty. Matula ang mga nagpanukala na bawasan ang distansiya sa loob ng mga pampublikong sasakyan na subukan nilang sumakay sa loob ng 30 araw, upang makita at maramdaman nila ang kinatatakutan ng publiko.

Facebook Comments