NAGPALIWANAG | Camarines Sur 1st District Rep. Rolando Andaya, nagpaliwanag sa kumalat niyang video kung saan siya ay nagwawala

Manila, Philippines – Nagpaliwanag si Camarines Sur First District Rep. Rolando Andaya Jr. Kaugnay sa kumalat na video kung saan makikitang nagkainitan at muntik na silang magpang-abot ni Camarines Sur 2nd District Rep. Luis Raymund Villafuerte Jr.

Kwento ni Andaya, inirereklamo ng mga residente at alkalde ng bayan ng pili ang pagtatambak ng lupa sa kanilang daanan.

Nangyari ito matapos umanong tumanggi ang mga magsasaka na ipagbili ang kanilang lupa sa halagang 8 pesos per square meter na umano ay gagamitin sa ipinatatayong airport sa lugar.


Pero giit ni Andaya, hindi na kailangang bilhin ang lupa ng mga magsasaka roon dahil malayo na ito sa kinakailangan lupa sa ipinapagawang runway ng paliparan.

Dahil dito, humingi ng tulong ang mayor ng pili kay Andaya para makausap at papagpaliwanagin ang gobernador tungkol sa pagtatambak ng lupa.

Pero pagkarating daw niya sa tanggapan ng gobernador, naabutan niya ang alkalde na napapaligiran ng nasa 50 tauhan ng gobernador.

Nakiusap pa umano siya na baka pwedeng lumayo muna ang mga ito para mapahupa ang tensyon at nang kapkapan, nakuha nila sa mga tauhan ng gobernador ang mga itak at kutsilyo.

Dahil dito, nagpasya silang i-report ito sa pulisya pero pagdating sa presinto at naabutan niya si Villafuerte kasama ang mga nagrereklamo ring tauhan ng gobernador na umano ay sinaktan ng mga tauhan ni Andaya.

Doon na raw sila nagkasagutan ni Villafuerte kung saan umawat ang nasa 30 tauhan ng kapwa kongresista hanggang mapalabas siya sa presinto.

Wala nang planong magsampa ng kaso si Andaya pero desidido ang kampo ni Villafuerte na kasuhan siya sa korte at kamara.

Sa huli, nanindigan si Andaya na ipinaglalaban niya lang ang karapatan ng maliliit na magsasaka.

Facebook Comments