
CAUAYAN CITY – Bagama’t ilang araw pa bago sumapit ang Semana Santa, dagsa na ang mga pasaherong nagpapareserba ng kanilang bus ticket sa mga terminal sa Lungsod ng Cauayan.
Sa panayam ng iFM News Team kay Jay Mark Sopranes, security guard sa bus terminal, sinabi nitong simula pa lamang ng Abril ay unti-unti nang dumadami ang mga pasaherong nagtutungo sa terminal upang magpareserba ng ticket para sa Mahal na Araw.
Aniya, inaasahang lalo pang dadami ang mga pasahero pagsapit ng susunod na linggo habang papalapit ang Semana Santa.
Dagdag pa niya, nakahanda na rin ang karagdagang mga bus para sa mga pasaherong hindi makakakuha ng regular na ticket.
Upang masiguro ang kaayusan at kaligtasan, makakatuwang ng mga security personnel sa terminal ang mga tauhan ng Cauayan Police Station sa pagbabantay sa panahon ng Mahal na Araw.
Samantala, mahigpit na paalala ni Ginoong Sopranes sa mga pasahero na iwasan ang pagdadala ng mga ipinagbabawal na gamit upang hindi maabala sa kanilang biyahe.