Nagparehistro sa National ID, umabot na sa higit 25 milyon – PSA

Umabot na sa higit 25 milyong Pilipino ang nakarehistro na sa Philippine Identification System (PhilSys) mula nang inilunsad ito noong Oktubre 2020.

Sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) nitong March 23, nasa 15,083,343 registrants ang nakumpleto na ang Step 1 ng registration mula sa 81 probinsya at sa National Capital Region (NCR).

Sa kabuoan, nasa 25.7 million na Pinoy ang Step 1 registrants.


Sa Step 1, magbabahay-bahay ang mga PSA agents at kokolektahin ang demographic information ng mga low-income household heads at magtatakda ng appointment para sa susunod na step.

Sa Step 2, dito na iba-validate ang mga supporting documents at kukunin ang biometric information tulad ng fingerprints, iris scans, at front-facing picture.

Kumpiyansa si PSA Undersecretary at National Statistician Dennis Mapa na maaabot ng Pilipinas ang target nito na 15 million registrants ngayong kwarter.

Sinabi naman ni PhilSys Registry Office Deputy National Statistician Assistant Secretary Rosalinda Bautista na maglulunsad sila ng online portal para makumpleto ng registrants ang kanilang Step 1 registration na hindi na kailangang umalis sa kanilang mga bahay.

Facebook Comments