Cauayan City, Isabela- Malaki ang ibinaba ng naitatalang panibagong kaso ng COVID-19 sa Lalawigan ng Nueva Vizcaya.
Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Governor Carlos Padilla, kanyang sinabi na sa huling tatlong araw na nakalipas ay bumaba ang bilang ng panibagong kaso sa Lalawigan lalo na sa bayan ng Solano.
Dati aniya ay nasa 25 pataas ang naitatalang positibong kaso ng COVID-19 sa Nueva Vizcaya subalit nitong mga nakalipas na araw ay nasa 15 pababa na.
Nagpapakita aniya ito na epektibo ang kanilang mga ginagawang hakbang upang hindi magpatuloy na kumalat ang nakamamatay na sakit sa Lalawigan.
Bagamat idineklara ng Department of Health (DOH) Region 2 na nakapagtala ng Community Transmission ang bayan ng Solano ay unti-unti naman itong napipigilan at napapababa ang bilang ng mga nagpopositibo.
As of September 24, 2020, sampu (10) lamang ang naitalang new confirmed cases at anim (6) ang gumaling sa Nueva Vizcaya na nagdadala sa kabuuang bilang na 509 ngunit 270 dito ang active cases, 224 ang recoveries at 15 ang nasawi.