Ibinabala ni Senator Francis Kiko Pangilinan ang paglala ng gutom na nararanasan ng bansa sa pagtaas ng presyo ng tinapay habang nasa gitna pa tayo ng COVID-19 pandemic at hindi pa nakakabangon sa hagupit ng Bagyong Odette.
Bunsod nito ay iginiit ni Pangilinan sa Department of Trade and Industry o DTI na kumilos na agad at huwag ng hintayin na tuluyang tumaas ang presyo ng tinapay at ibang bilihin.
Paliwanag ni Pangilinan, dapat maging proactive ang DTI kaysa mag-aantay na lamang itong tumaas ang mga presyo na wala man lamang gagawing paunang hakbang.
Ayon kay Pangilinan, sobrang bigat na ng pasanin ng taumbayan sa sunod-sunod na pagtaas ng mga pangunahing bilihin at kapag lumala ang gutom ay higit na maaapektuhan ang mga maralitang bata.
Diin ni Pangilinan, marami ang maaapektuhan kapag patuloy na tumataas ang mga presyo ng mga bilihin at walang ginagawang lunas ang gobyerno.