Sa ating panayam kay Plt Jeremias Veniegas, Deputy Chief of Police ng Reina Mercedes Police Station, wala pang abiso mula sa mga biktima na sina Noel Collado, 31 taong gulang, magsasaka at asawang buntis na si Jovelyn Collado, 28 taong gulang, parehong residente ng District 2, Benito Soliven, Isabela kung itutuloy ang pagsasampa ng kaso kay Joel Santos, 52 taong gulang, may asawa, driver ng ambulansya at residente ng brgy. Guinatan, City of Ilagan, Isabela.
Naging maayos naman ang kalagayan ng mag-asawang biktima na kasalukuyang nagpapagaling sa ospital dito sa Lungsod ng Cauayan habang nasa kustodiya naman ng pulisya ang suspek.
Ayon pa kay PLt Veniegas, inihahanda pa rin nila ang kasong Reckless Imprudence Resulting to Physical Injuries and Damage to Property kung sakaling hindi makikipag areglo ang mga biktima.
Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na habang bumabaybay sa kalsada ang ambulansya sakay ang isang dialysis patient na ihahatid sana sa Santiago City ay nag-overtake ito sa sinusundang sasakyan.
Habang nasa proseso ay sumalpok ito sa kasalubong na traysikel na patungo sana sa Benito Soliven.
Sa lakas ng impak, humiwalay ang sidecar sa motor at tumilapon sa kalsada ang driver ng traysikel at buntis nitong asawa.
Agad namang nadala sa ospital ang mga biktima ganun din ang suspek sa tulong ng BFP Reina Mercedes at Rescue 922.
Inihatid naman ng iba pang ambulansya ang sakay na pasyente. Samantala, muling pinaalalahanan ang mga motorista na mag-ingat sa pagmamaneho at tiyaking naka kondisyon ang mga sasakyan bago ito gamitin. Narito ang mensahe ni PlT Jeremias Veniegas.