Manila, Philippines – Nakabili na ang National Food Authority ng mahigit P111.6M halaga ng palay sa mga magsasaka sa Southern Luzon.
Ayon kay NFA OIC Thomas Escarez, katumbas ito ng 107,854 bags ng aning palay na nabili sa rehiyon hanggang nitong October 28, 2018.
Ang Region 4 ay isa sa nangungunang rice producing areas sa bansa.
Ang Occidental Mindoro naman ang naitala na may mataas na bilang ng nabiling palay na abot na sa 98,852 bags.
Sinundan ito ng Batangas na may 5,794 bags, Oriental Mindoro 2,531 bags, Laguna na may 356 bags, Infanta 286 bags at Palawan na may nabiling 35 bags ng palay.
Mula October 28, abot na sa 198,469 bags ng palay ang nabili ng NFA sa buong bansa.
Tiwala ang NFA na maabot nila ang target na 2.6 million bags ng mabibiling palay mula Nobyembre hanggang Disyembre na tinaguriang harvest season.
Dagdag pa ni Escarez, dumadami na ang mga magsasaka na nagbebenta ng kanilang produkto sa NFA mula nang dagdagan ng P3.00 ang kasalukuyang P17 na palay buying price kada kilo bukod pa sa ibang insentibo.