Namatay sa stampede sa isang Halloween event sa Itaewon, South Korea, umakyat na sa 154; higit 140 indibidwal, patay naman matapos mahulog sa nasirang tulay sa India!

Umakyat na sa 154 indibidwal ang namatay matapos mauwi sa stampede ang isang Halloween event sa bahagi ng Itaewon District sa Seoul, South Korea.

Ito ay matapos dumugin ng mahigit 100,000 katao ang kilalang distrito upang ipagdiwang ang Halloween night nitong Sabado.

Ayon sa mga awtoridad, nasa 149 ang naitalang sugatan, habang 33 naman ang nasa kritikal na kondisyon.


Ayon kay Seoul Mayor Oh Se-hoon, pawang mga edad 20 pataas ang nasawi matapos maipit sa dami ng tao at mahirapang huminga.

Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon sa isa sa mga pinakamalalang trahedya ng bansa.

Una nang nagdeklara si South Korea President Yoon Suk-yeol ng “national period of mourning” simula kahapon na magtatagal hanggang sa Sabado, November 5.

Samantala, pumalo naman na sa 141 ang nasawi matapos ang pagbagsak ng isang tulay sa Gujarat, India.

Aabot din sa mahigit 30 indibiwal ang sugatan, habang nasa 177 katao rin ang nailigtas ng mga awtoridad.

Sa ngayon ay nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang search and rescue operation at imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa insidente.

Ayon kay State Home Minister Harsh Sanghavi, ang nasabing tulay na naitayo mula pa noong 19th century ay nasira na anim na buwan na ang nakalilipas at binuksan lamang sa publiko noong nakaraang linggo.

Facebook Comments