NANAWAGAN | Sister Fox, umapela na huwag matakot sa gitna ng mga abuso

Manila, Philippines – Bago ang kaniyang pag-alis sa bansa ngayong araw, nagpahabol pa ng patutsada si Sister Patricia Fox.

Ayon kay Sister Fox, dapat maging matapang ang mga Pilipino at hindi maparalisa ng takot sa gitna ng mga nangyayaring human rights violations sa bansa.

Ang 71-anyos na si Fox na dalawamput pitong taong nagmimisyon sa bansa ay nilabanan ang kaniyang deportasyon simula pa noong Abril dahil sa paglabag niya sa kaniyang missionary visa.


Kabilang dito ay ang pakikilahok niya sa mga kilos protesta at mga pagkilos pulitikal.

Pero, nanindigan si Fox na karamihan sa aktibidad niya ay bilang suporta sa mga magsasaka at mga katutubong Lumad.

Papaalis mamayang hapon si Fox matapos tanggihan ng Bureau of Immigration (BI) ang extension ng kaniyang visitor’s visa .

Hinimok ni Sister Fox ang mga mananampalataya na pagnilayan ang hamon ni Pope Francis noong 2014 na isabuhay ang banal na salita ng Diyos sa pamamagitan ng pakikipagkaisa sa mga mahihirap.

Nagong emosyonal ang mga tagasuporta ni Fox sa isang misa ng pasasalamat na isinagawa sa St. Joseph College.

Idinagdag pa ni Sister Fox na ngayong palabas na siya ng bansa ay mas malaya na siyang makapagpapalabas ng kaniyang mga saloobin.

Magkakaroon muna ng caravan patungong Baclaran Church kung saan magkakaroon ng isang maikling program.

Bandang alas tres ng hapon, isang protest caravan ang lalarga at sasama sa paghahatid kay Sister Fox sa terminal 2 ng NAIA.

Facebook Comments