Manila, Philippines – Iginiit ni Senator Francis Chiz Escudero na dapat maimbestigahang mabuti ang naging problema sa sistema ng Bank of the Philippine Islands o BPI kung saan nagkaroong ng dagdag bawas sa savings ng mga kliyente nito.
Ayon kay Escudero, dapat kumilos ang Bangko Sentral ng Pilipinas pati ang cyber crime division ng National Bureau of Investigation para alamin ang ugat ng naging problema ng BPI.
Paliwanag ni Escudero, kahit naresolba na ng BPI ang problema nito at naibalik na sa tama ang halaga ng savings ng mga account holders nito ay hindi dapat basta na lang isantabi ng kinauukulang otoridad ang nangyari.
Sa kabila nito, tumanggi naman si Escudero na magbigay ng anumang konklusyon hinggil sa naging aberya sa computer sistem ng BPI hanggat walang pinal na resulta ang mga ikakasang imbestigasyon.
DZXL558, Grace Mariano