Manila, Philippines – Naniniwala si Albay Second District Representative Joey Salceda na dapat suspendihin muna ng mga kinauukulang sector at ahensiya ng pamahalaan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Sa ginanap na forum na Kapihan sa Manila Bay, ipinaliwanag ni Salceda na ito ay upang mapigil ang paglala ng Inflation kung saan nagkakaroon ng mataas na demand sa mga pangunahing bilihin ngunit mababa ang supply.
Paliwanag ng kongresista na mayroon ng panukala si House Speaker Gloria Macapagal Arroyo upang kontra Inflation kabilang dito ang Zero-Tariff sa mga pangunahing pagkain sa loob ng anim na buwan.
Sa ilalim aniya ng panukala ay magpapatupad ng Zero Tariff sa isda, baboy, manok, mais, wheat flour, corn flour at mga gulay habang ang problema naman sa bigas ay tutugunan ng importasyon nang mula 500 thousands metric tons hanggang 800 thousands metric tons.
Kailangan din aniyang magpatupad ng approved regulated price ng mga sumusunod na ahensiya: ERC, DOE, TRB at Water Regulatory Office habang ang Bangko Sentral ng Pilipinas o BSP ay dapat mag-implemento ng matatag na polisiya upang makontrol ang inflation at ang peso speculation.