Infanta, Quezon – Patay ang isang pulis na umano ay protektor ng mga nagbebenta ng iligal na droga sa isinagawang entrapment operation ng mga tauhan ng PNP CITF, PDEA at Quezon Police Provincial Office kaninang umaga sa Barangay Pilaway, Infanta, Quezon.
Kinilala ang pulis na si Police Officer 2 Ian Rey Abitona kasalukuyang nakatalaga sa Infanta Municipal Police Station.
Ayon kay PNP CALABARZON Spokesperson Police Superintendent Chitadel Gaoiran na sa buy-bust operation nakatunog si PO2 Abitona na nakikipagtransaksyon siya sa mga pulis kaya agad na binubot ang kanyang baril at ipinutok sa mga operating team.
Pero agad na nakaganti ng putok ang mga pulis dahilan para masawi si PO2 Abitona.
Ikinasa ang buy-bust operation makaraang makatanggap ng mga text messages ang PNP CITF.
Nakasaad aniya sa text messages ang mga impormasyong pinoprotektahan ni PO2 Abitona ang mga nagbebenta ng iligal na droga sa lugar.
Sa ulat pa ng PNP may civilian asset si Abitona na ginagamit nito sa pagre-recycle ng iligal na droga.
Natukoy rin ng pulisya na si PO2 Abitona ay suspek sa pagpatay sa kanyang mga asset o runner na hindi nakakapag-remit ng napag-usapang halaga sa kanilang drug transactions.
Batay naman sa koordinasyon at validation ng intelligence unit ng PNP Quezon ang nasawing pulis ay sinibak noon sa intelligence unit at drug enforcement unit at inilipat bilang desk office sa Infanta Municipal Police Station pero patuloy pa ring nasasangkot sa transaksyon ng iligal na droga.