Napapatay sa gulo sa Marawi City, umabot na sa 95 katao

Manila, Philippines – Pumalo na sa 95 ang bilang ng mga nasawi sa Marawi siege.

Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesperson B/Gen. Restituto Padilla, Jr. sa nasabing bilang nasa 61 miyembro ng teroristang Maute ang napapatay na ng mga tropa ng pamahalaan.

Habang 42 rito ang ibinase sa tala ng mga sundalo at ang 19 ay mula sa impormasyon sa ilang witness na naipit sa karahasan.


Sa panig naman ng pamahalaan, 15 na ang iniwang patay na kinabibilangan ng 11 sundalo at apat na pulis habang umabot na sa 39 ang mga nasugatan.

Sinabi pa ni Padilla, 19 na sibiliyan ang pinaslang ng mga terorista kabilang ang walong bangkay na narekober sa labas ng Marawi State University.

Kasabay nito, tiniyak ng militar na magpapatuloy ang paglulunsad nila ng air strikes at pagpapakawala ng artillery fire sa ilang lugar sa Marawi para mapabilis ang clearing operations.

LEAD:Air strike ng militar laban sa Maute Group, magpapatuloy

Asahan pa ang pagpapatupad ng militar ng surgical air strike sa Marawi City.

Ito ang sinabi ni AFP 1st Infantry Division Spokesperson Lt. Col. Jo-Ar Herrera habang nagpapatuloy ang clearing operation sa Marawi City.

Gayunman, tiniyak ni Herrera na sinisikap ng militar na tapusin na ang operasyon sa lalong madaling panahon lalo’t panahon ng ramadan.

Kasabay nito, kinondena rin ni Herrera ang pagpasok at pagtatago ng Maute Group sa mga tahanan gayundin sa mga gusali ng gobyerno.

Facebook Comments