
Pinaiimbestigahan ni House Senior Deputy Minority Leader at Caloocan Rep. Edgar Erice sa Kamara at sa National Bureau of Investigation (NBI) ang umano’y pagguho ng landfill sa Rodriguez, Rizal kung saan may mga napaulat na natabunan at nasawi habang may mga hinahanap pa.
Sa kanyang privilege speech sa plenary session ng Kamara, iginiit ni Erice ang pansamantalang pagsasara at pagsuspinde sa operasyon ng Rodriguez dumpsite.
Ayon kay Erice, layunin ng pagsisiyasat na matukoy ang buong katotohanan sa trahedya, at mapanagot ang mga responsable, lalo’t may mga impormasyon na tinatakot umano ang mga apektadong residente o biktima na magsalita tungkol sa kanilang mga nawawalang kaanak.
Nananawagan din si Erice sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at sa Department of Labor and Employment (DOLE) na magbigay ng tulong at pansamantalang trabaho sa mga apektadong pamilya.
Kaugnay nito ay ikinukwestyon ni Erice ang mga opisyal ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa epekto ng nabanggit na pasilidad sa kalikasan.
Isiniwalat ni Erice na ang natural waterways malapit sa dumpsite ay nababalot na ng polusyon dahil sa basura at nakakaapekto sa Laguna de Bay bukod sa malapit din ito sa Balara Water Reservoir kaya delikado ang suplay ng tubig sa Metro Manila.










