Cauayan City, Isabela- Nakapagtala lamang ng dalawang (2) kaso ng firecracker related injuries sa pagsalubong sa bagong taon ang buong Lambak ng Cagayan.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PLTCol Andree Abella, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO) 2, kanyang sinabi na maituturing na payapa ang pagdiriwang sa bagong taon sa rehiyon dahil sa mababang bilang ng naitalang insidente kumpara noong nakaraang taon.
Ang dalawa ay kinabibilangan ng anim (6) na taong gulang na lalaki mula sa Santiago City na nagkaroon ng eye injury matapos maputukan ng ‘Piccolo’ sa kaliwang bahagi ng mata at ang dalawampu’t tatlong (23) taong gulang na lalaki mula Tumauini, Isabela na naputukan ng ‘Kwitis’ na nagsanhi sa pagkakaputol ng apat na daliri ng kaliwang kamay.
Ayon kay PLTCol Abella, resulta ito ng massive information drive at pagpapatupad sa Executive Order 28 para matiyak ang kaligtasan ng publiko sa pagsalubong ng bagong taon.
Mas mababa aniya ang naitalang insidente ng naputukan sa pagsalubong sa taong 2021 kumpara noong 2020 na mayroong naitalang walong (8) firecracker related injuries.
Isang dahilan din ani PltCol. Abella ang nararanasang pandemya dahil mas pinili ngayon ng mamamayan na unahin ang pangunahing pangangailangan kaysa sa pagbili ng paputok.
Ikinatuwa naman ni Regional Director Brigadier General Crizaldo Nieves ang pagbaba ng naitalang firecracker-related injuries sa rehiyon kaya’t inatasan pa rin ang mga field Commanders na ipagpatuloy ang kampanya kontra illegal firecraker upang hindi na madagdagan ang naitalang insidente.