Manila, Philippines – Mahigit P8 milyon na halaga ng mga USB at SD card ang nakumpiska ng mga tauhan ng Optical Media Board (OMB) at miyembro ng Special Weapons and Tactics (SWAT) sa mga tindahan sa isang gusali sa Quiapo, Maynila
Laman ng mga storage device ang mga piniratang pelikula, serye at kanta.
Naniniwala ang OMB na bukod sa pamimirita, peke rin ang mga ibinebentang SD card at USB dahil sa baba ng kanilang presyo, na nasa P250 kada isa.
Kahit pa mataas ang memory ng mga device, minsan ay bumababa pa raw ang mga presyo ng mga ito hanggang P170.
Wala namang naipakitang dokumento o lisensiya ang mga nagtitinda na nagpapahintulot sa kanilang mag-angkat, magbenta at mamahagi ng mga storage device.
Nasa kustodiya ng OMB ang mga nakuhang storage device.
Plano din ng ahensiyang sampahan ng kasong administratibo at kriminal ang mga may-ari at supplier ng mga ito.