Monday, December 23, 2024

Nasawing nurse sa plane crash sa Laguna, papunta na sanang Amerika

Image via Calamba Laguna PDRRMO
Naudlot na ang pangarap ng isang nurse na magtrabaho sa Estados Unidos matapos siyang makasama sa mga namatay sa bumagsak na private plane sa Calamba, Laguna nitong Linggo ng hapon.

Ayon kay Corazon Badiola, ina ng nasawing si Kirk Owen Badiola, nalaman nila ang kalunos-lunos na sinapit ng anak matapos siyang kausapin ng kasintahan nito.

(BASAHIN: Eroplano, bumagsak sa resort sa Laguna; 9 patay, 2 sugatan)

Mahigit dalawang taon na din niyang hindi nasisilayan si Kirk dahil subsob siya sa paghahanapbuhay kaya naman labis ang kaniyang pagdadalamhati.

Aniya, kinukumpleto na lamang ng biktima ang nalalabing volunteer works dahil nakatakda na itong lumipad papuntang Amerika para magtrabaho.

Panganay sa tatlong magkakapatid at tubong Baao, sa lalawigan ng Camarines Sur ang bread winner na si Kirk.

Nakasakay si Badiola at iba pang mga pasahero sa King AIR 350, 11-seater na medical evacuation plane na may plakang RP-C2296, nang biglang bumulusok pababa sa Agojo private resort sa Mimorante Village, Barangay Pansol.

Batay sa paunang imbestigasyon, nanggaling ang eroplano sa Dipolog City at papunta sanang Maynila para maghatid ng isang dayuhang pasyente.

Hiling ng nanay ni Kirk, maiuwi sa kanilang probinsiya ang labi ng supling.

Facebook Comments