Nakikipag-ugnayan na ang Philippine Statistics Authority (PSA) sa Philippine Postal Corporation (PHLPost) hinggil sa mga PhilID na posibleng naapektuhan ng sunog sa Manila Central Post Office.
Batay sa inisyal na impormasyon na ibinigay ng PHLPost, tanging mga PhilID para sa paghahatid sa lungsod ng Maynila ang naapektuhan ng sunog.
Ayon kay Claire Dennis Mapa, Undersecretary ng National Statistician and Civil Registrar General nakikipagtulungan na sila sa PHLPost upang matukoy ang bilang ng mga PhilID na apektado.
Nilinaw ng PSA na ang PhilIDs na ide-deliver ng PHLPost ay sorted o pinaghiwa-hiwalay at nakaimbak sa PHLPost Central Mail Exchange Center (CMEC) sa Pasay City at di apektado ng sunog.
Tiniyak naman nila sa publiko na ang mga PhilID na apektado ng sunog ay papalitan ng PSA nang walang karagdagang gastos sa mga kinauukulang rehistradong tao, kasunod ng mga protocol na itinakda ng PSA para sa mga ganitong sitwasyon.