National Feeding Program, mas lalo pang palalakasin para maging malusog ang mga bata

Nais ni Senator Imee Marcos na palakasin pa ang ‘Feeding Program’ sa harap ng mga programang pang-nutrisyon ng gobyerno.

Ayon kay Sen. Imee sa pagdalo nito sa pulong balitaan sa Maynila, “kulang sa sustansya” ang kasalukuyang programa dahil aniya, lalo pang lumalala ang krisis sa pagkain sa buong mundo at dumarami ang bansot na bata.

Giit ng senadora, nararapat daw na ibalik ang ‘Nutribun Feeding Program’ na solusyon sa problema sa malnutrisyon ng mga bata dahil hindi uubra ang pasulpot-sulpot lang at kalat na adbokasiya.


Dahil dito, nakipag-sanib pwersa na si Senador Imee sa National Nutrition Council na itinatag ng kanyang ama noong 1974, gayundin sa iba’t ibang mga lokal na pamahalaan,mga tanggapan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD)  sa bawat munisipyo at sa mga barangay health workers.

Sabay-sabay na ikinasa ang pilot-testing ng Nutribun Feeding Program sa Rizal, Cebu at Ilocos Norte, kung saan may 1,000 mga bata na edad tatlo hanggang limang taong gulang sa kada probinsya ang binigyan ng mga tinapay na gawa sa kalabasa, malunggay at iba pang lokal na masustansyang mga pananim.

Bukod sa distribusyon ng mas pinasustansyang Nutribun, imo-monitor ng tanggapan ng senadora at ng lahat ng mga kawani ng gobyernong kaagapay sa feeding program ang mga timbang ng mga bata at kalusugan nila sa loob ng 120 araw.

Ang personal na inisyatiba ni Marcos ay suporta na rin sa mga nutrition program ng gobyerno na kamakailan lang ay nilaanan ng $178 million ng World Bank, para mabaligtad ang mataas na insidente ng child stunting o pagkabansot ng mga bata sa Pilipinas.

Ang programa ay kasabay na rin ng pagdiriwang nitong nagdaang Linggo ng ika-105 na kaarawan ng ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., na nanguna sa Nutribun Feeding Program noong dekada ’70 na maraming bansot na bata ang lumusog.

Facebook Comments