NATIONAL ID AUTHENTICATION, PINALAWAK PARA SA VERIFICATION KAHIT WALANG CARD

Inanunsyo ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang pagsisimula ng pilot implementation ng National ID Authentication Service sa Region 1 sa ginanap na 7th Media Forum and Media Awards & Stakeholders’ Appreciation Ceremony noong Nobyembre 14.

Batay sa datos ng ahensya, nasa 2,772,602 na residente ng Pangasinan ang rehistrado sa National ID, katumbas ng 87.65% ng populasyon ng lalawigan, habang umabot naman sa 88.53% ang kabuuang rehistradong populasyon sa buong rehiyon.

Kaugnay nito, tinalakay ng PSA ang pagpapalawak ng paggamit ng authentication system na magpapahintulot sa beripikasyon ng identidad kahit walang pisikal na National ID card, gamit ang digital at biometric validation.

Hinimok din ng ahensya ang mga tanggapan ng pamahalaan at pribadong sektor na gamitin ang serbisyo upang mapabilis at mapahusay ang proseso ng beripikasyon.

Sa kasalukuyan, 24 na financial institutions at siyam na pribadong kumpanya ang nakapaloob na sa sistema, kung saan 14 dito ang aktibong ginagamit ng publiko.

Facebook Comments