Kasabay ng selebrasyon sa Elderly Filipino Week, tinalakay ng programang Nutrisyon mo, Sagot ko! ng National Nutrition Council ang kalusugan ng ating mga lolo at lola.
Sa pamamagitan ng kanilang guest na si Dr. Jose Leo Jiloca, miyembro ng Board of Directors ng Philippine Society of Geriatrics and Gerontology, pinag-usapan kung paano mapangangalagaan ang ating kalusugan at wastong nutrisyon para sa ating pagtanda ay manatili pa rin tayong malusog, aktibo at produktibo.
Ayon kay Dr. Jiloca, nagsisimulang tumanda o magbago ang kondisyon ng ating katawan kapag umaabot na tayo sa edad na 30.
Kaya upang maging malusog aniya sa pagtanda ay dapat sa pagkabata pa lamang ay pangalagaan na ang ating kalusugan at katawan.
Inirekomenda ni Jiloca na kapag nagkakaedad na dapat ay kumain ng tama at wastong pagkain o balance diet kung saan nakapaloob ang Pinggang Pinoy, mag-ehersisyo tulad ng paglalakad kahit 30 minuto araw-araw, iwasan ang stress, magkaroon ng tamang pagtulog at social interactions at iwasan ang bisyo.
Bilang Advocate ng anti-elder abuse, binigyang-diin ni Jiloca na hindi ibig sabihin na matanda na ang ating mga lolo at lola ay wala na silang kayang gawin sa lipunan.
Dapat aniyang empowered ang ating mga senior citizen, irespeto, igalang at pangalagaan.
Nabatid na ang Philippine Society of Geriatrics and Gerontology ay binubuo ng mga health care professionals na nag-aalaga o nag-aaruga sa ating mga lolo at lola.