Suportado ng National Security Council ang isinusulong ng mga mambabatas na pagsasagawa ng congressional investigation kaugnay sa naganap na panghaharang at paggamit ng water cannon ng Chinese Coast Guard sa mga barko ng Pilipinas na magsasagawa ng resupply mission noong ika-16 ng Nobyembre.
Sa Laging Handa public press briefing sinabi ni NSA Secretary Hermogenes Esperon Jr., na kung ito ang nais ng mga mambabatas ay kanila itong rerespetuhin.
Ang mungkahi lamang ng kalihim ay kung maaari ay isagawa ito sa pamamagitan ng isang executive session.
Paliwanag ni Secretary Esperon, internal security matters kasi ang nakasalalay rito at hindi aniya angkop na malaman ng China ang mga pag-uusapan sa gagawing imbestigasyon.
Kaugnay nito, tiniyak ng kalihim na si Pangulong Rodrigo Duterte ay ginagawa ang lahat ng kanyang makakaya upang protektahan ang soberanya ng bansa sa West Philippine Sea.