Ipinatutupad na sa buong bansa ang police checkpoints bilang bahagi ng election period para sa nalalapit na hahalan sa Mayo.
Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez – dapat nakapwesto ang checkpoint sa maliwanag na lugar at dapat ay madaling mapansin ng mga motorista.
Aniya, mayroon rin dapat nakapaskil na Comelec checkpoint, pangalan ng police commander at contact number.
Dapat rin aniyang nakasuot ng tamang uniporme ang mga pulis.
Sabi ni Jimenez, kung mga barangay tanod naman ang magbabantay sa checkpoint dapat ay may kasama silang mga pulis.
Sinabi naman ni PNP Chief Oscar Albayalde – layon ng checkpoint na maharap ang mga baril, pampasabog, illegal security personnel at iba pang bagay na pwedeng magdulot ng karahasan sa eleksyon.
Ipinaalala naman ni PNP Spokesperson, Chief Superintendent Benigno Durana ang publiko sa kanilang karapatan pagdating sa checkpoint.
Aniya, visual search lamang ang maaring gawin ng mga pulis at hindi maaaring kapkapan ng mga pulis ang driver o pasahero.
Hindi rin kailangang lumabas ng sasakyan o buksan ang truck at compartment.
Magsasagawa lang aniya ng physical inspection sakaling madiskubre ng mga pulis ang anumang kontrabando sa loob ng sasakyan.
Paglilinaw ng PNP, wala namang problema kung kukunan ng video ng motorista ang ginagawang checkpoint ng mga pulis.