Nawawalang Menor de Edad sa Lalawigan ng Rizal, Na-rescue sa Santiago City!

20

*Santiago City, Isabela- *Matagumpay na na-rescue ng mga otoridad sa Lungsod ng Santiago ang isang disi syete anyos na dalagita makaraang mawala sa kanilang lugar sa brgy Dalig, Cardona, Rizal.

Sa nakuhang impormasyon ng RMN Cauayan mula sa presinto uno ng PNP Santiago City, una na umanong nakipagkoordinasyon ang PSWD ng Rizal sa CSWD ng Santiago City hinggil sa pagkakawala at pagkakita sa biktima sa nasabing Lungsod na inireport mismo ng kanyang mga magulang.

Batay sa impormasyon ng PNP Santiago City, umalis umano ang biktima sa kanilang lugar noong ika-siyam ng Oktubre at nakatanggap umano ng impormasyon ang kanyang mga magulang na nakita ang kanilang anak sa Santiago City.

Agad namang rumesponde ang kapulisan matapos matanggap ang impormasyon kasama ang PSWD Rizal at CSWD na nagresulta sa matagumpay na pagkakakuha ng biktima mula sa suspek na si Jomar Valdez ng Quezon, San Isidro, Isabela.

Inihayag umano ng suspek na kasintahan nito ang biktima.

Samantala, habang kinakapkapan ng mga pulis si Valdez ay nasamsaman umano ito ng dalawang sachet ng hinihinalang marijuana kung saan dinala na ang suspek sa himpilan ng PNP para sa kanyang kaukulang dokumentasyon at disposisyon.

Facebook Comments