Bubuksan ng pamahalaan ang isang property ng Nayong Pilipino sa Parañaque City para gawing COVID-19 vaccination site.
Ayon kay Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire, lumagda ng kasunduan ang Department of Tourism (DOT) at si Vaccine Czar Sec. Carlito Galvez para magkaroon ng mas malaking COVID-19 vaccination site ang gobyerno.
Nilalakad na rin aniya ng mga opisyal ang pakikipag-usap sa pribadong sektor para makapagbukas pa ng malalaking vaccination sites.
Una nang sinabi ni Galvez na magbubukas ng mega vaccination sites ang gobyerno para maabot ang target na 4-milyong Pilipinong mababakunahan sa loob ng isang buwan.
Sinabi naman ni Tourism Sec. Berna Puyat na pumayag na ang mga opisyal ng National Parks Development Committee sa panukala ni Manila Mayor Isko Moreno na magtayo ng temporary mobile hospital sa Burnham Green sa Rizal Park.
Tiniyak naman ni Moreno na walang gagastusin ang gobyerno at ibabalik niya sa dating kondisyon ang Burnham Green kapag kailangan nang alisin ang mga pasilidad.
Ang drive-thru vaccination site ay ilalagay naman sa harapan ng Quirino Grandstand.
Nabatid na bubuksan ang pasilidad para sa lahat at tatanggapin sa itatayong mobile hospital ang mga nakakaranas ng mild to moderate symptoms ng COVID 19.