NBI AT NAPOLCOM, hinimok na manghimasok na sa panibagong insidente ng hazing sa PNPA

Hinikayat ni Agusan del Norte Representative Lawrence Fortun ang National Bureau of Investigation (NBI) at National Police Commission (NAPOLCOM) na manghimasok na sa panibagong kaso ng hazing sa Philippine National Police Academy (PNPA).

Ito ay kasunod na rin ng pagkasawi ni Cadet Third Class George Karl Magsayo matapos na mapaulat na pinagsusuntok ito ng kanyang upperclassman na si Cadet Second Class Steve Ceasar Maingat.

Iginiit ni Fortun na kailangan mamagitan ng NBI upang matiyak ang komprehensibo, patas at impartial na imbestigasyon ng insidente upang mapangalagaan din ang mga ebidensya at ma-interview ang mga posibleng witness.


Ang NAPOLCOM ay dapat na magsagawa na ng administrative proceedings upang mapanagot ang may sala sa ilalim ng Anti-Hazing Law at hindi mauwi sa homicide ang kaso o mas masama ay makalimutan na lamang.

Naniniwala rin ang kongresista na hindi ito isang isolated incident lalo’t sa mga nakalipas na taon ay ilang insidente ng hazing ang napaulat sa PNPA.

Mababatid na nito lamang 2019, apat na kadete ng PNPA ang kinasuhan sa paglabag sa Anti-Hazing Law dahil sa panggugulpi sa kapwa kadeteng si John Desiderio.

Facebook Comments