Caloocan City – Makalipas ang 2 araw, muling binalikan ng mga tauhan ng NBI ang crime scene o lugar kung saan itinumba ng mga pulis ang 17 anyos na highschool student sa Caloocan City.
Ayon kay Romie Lim, isang NBI agent, mayroon silang hinahanap sa crime scene at umaasa sila na makikita pa ito kahit binaha na at maputik sa lugar.
Kanina bagamat, hindi tinukoy ni Lim, nabanggit sa hindi sinasadyang pagkakataon na isang metal, tanso at mabigat na bagay ang kanilang hinahanap kaya hindi basta-basta matatangay ng baha.
Layon ng muling pag-iimbistiga sa lugar ay ang pag-ugnayin ang physical evidence na makikita sa crime scene at physical evidence sa katawan ni Kian.
Nabatid na balistician ng NBI ang nagpoproseso sa crime scene.
Ibig sabihin sila ang eksperto sa pagtukoy ng bala, basyo ng baril, slug ng baril, at trajectory ng bala papunta sa biktima o kaya naman kung malapitan ba siyang binaril.
Kanina kahit malakas ang ulan, tuloy sa pagpala ang mga tauhan ng NBI at hinihimay ang mga naipong putik na nanggaling sa crime scene.