Tinanggap na ni Bureau of Corrections (BuCor) Chief Gregorio Catapang Jr., ang resignation ni New Bilibid Prison (NBP) Supt. Angelina Bautista.
Kasunod na rin ito ng pagkakasangkot ni Bautista sa ilang kontrobersiya sa Bilibid tulad ng pagkawala ni convicted carnapper Michael Cataroja na pinaniniwalaang pinatakas.
Nadadawit din si Bautista sa sinasabing construction business sa Bilibid at siya rin daw ang may-ari ng catering service na P21-million kontrata para sa pagkain ng inmates sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City.
Sa kanyang resignation letter, sinabi ni Bautista na hindi na siya komportable na magtrabaho sa BuCor bagama’t hindi aniya ito nangangahulugan na umaamin siya sa mga akusasyon laban sa kanya.
Tiniyak naman ni Catapang na tuloy pa rin ang kanilang imbestigasyon kahit nagresign na si Bautista.
Nilinaw rin ni Catapang na dapat ibalik muna ni Bautista ang government properties na inisyu sa kanya bago ito bigyan ng clearance.