
Buo ang suporta ng National Council for Disability Affairs (NCDA) sa naging desisyon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ipasara ang hindi lisensyadong care facility ni BenchTV.
Paliwanag ni NCDA Executive Director Glenda Relova na ang ginawang hakbang ay responsibilidad ng DSWD base mula sa iba’t ibang batas na nasisiguro na maayos, kinikilala, at pinahihintulutan ang pagbibigay tulong at kalidad ng social service ng mga ahensya at mga nagpa-practice ng social work profession.
Binigyang-diin din ni Relova na hindi nila sinisikap pigilan ang mga indibidwal o grupo na magpaabot ng tulong pero mahalaga aniya na nagagawa ito ng maayos alinsunod sa mga batas at regulasyon.
Bukod pa rito, sinabi niya rin ang gampanin ng DSWD pagdating sa pagprotekta sa mga vulnerable group mula sa panganib at exploitation dahil sa content ng naturang vlogger na maaring lumabag sa Data Privacy Act, Magna Carta for Persons with Disabilities, at iba pa.
Ipinunto rin ng ahensya na maaring hindi maipaliwanag ng mga menor de edad na may mental health condition ang kanilang sitwasyon pagdating sa exposure sa social media.
Sa ngayon ay nakikipag-ugnayan ang NCDA sa DSWD sa pag-monitor sa mga indibidwal lalo na ang mga PWD upang masiguro ang proper case management at matulungan na maibalik ang mga ito sa kani-kanilang mga pamilya.










