Hindi malayong maibaba sa Alert Level 2 ang Metro Manila pagsapit ng Nobyembre a-uno.
Ito ay kung magtutuloy-tuloy pa ang pagbaba ng kaso ng COVID-19.
Katunayan, ayon kay OCTA Research Team Fellow Dr. Guido David, Alert Level 2 ang inirekomenda nila para sa National Capital Region o NCR dahil nasa ‘moderate risk’ na naman ang rehiyon.
Para kay David, wala nang dapat katakutan ang publiko pero dapat pa rin silang mag-ingat.
“Actually, ‘yung sa pagtingin nga namin, parang kaya na nga kahit Alert Level 2 sa ngayon e. Pero sabihin na natin, mas cautious yung posisyon nila, we respect it, sila ang gumagawa ng desisyon, sila yung may accountability,” ani David.
Tingin din ni David, kapag naibaba pa sa ‘low risk’ pagsapit ng Disyembre ay posibleng payagan na ang mas malawakang aktibidad na hindi kinakailangang magsuot ng face mask.
“Kunwari nasa low risk na tayo by December pwede na siguro yung mas malawakang party. Isa pa sa tinitingnan natin syempre yung mga bakuna bubbles, micro herd immunity, ibig sabihin, kunwari sa studio niyo, lahat vaccinated, baka pwedeng mas malaking party kahit na walang face mask, mga ganon,” saad pa niya.
“Yan yung mga possibilities na nakikita natin in a few months at we move back to… parang we move to new normal na medyo malapit sa old normal,” dagdag pa ng eksperto.