Nakatakdang magsampa ng reklamo ang National Capital Region Police Office (NCRPO) ng qualified theft laban sa pamilyang nakatira sa lumang police compound sa Taguig City.
Ayon kay NCRPO Chief, Major General Debold Sinas, nadiskubre nila na ang pamilya ni dating Police Executive Master Sergeant Arnel Delos Santos ay ilegal na nakakonekta sa linya ng kuryente o ‘nakiki-jumper’ sa lumang Regional Direct Suppor Unit Compound.
Giit ni Sinas, lumalabas lamang na sila ang nagbabayad ng kuryente ng pamilya Delos Santos.
Una nang sinabi ng NCRPO na dinala ni Delos Santos ang kanyang pamilya sa motor pool quarters para doon manirahan.
Nanatili ang pamilya kahit nagretiro na si Delos Santos sa serbisyo noong November 2019.
Ilegal na nakatira sa motor pool building ang pamilya Delos Santos na katabi lamang ng Regional Direct Support Unit (RDSU) building.
Nanindigan si Sinas na ang RDSU at ang motor pool building at ang parking garage ay pagmamay-ari ng Southern Police District.
Samantala, sinabi ni SPD Director Police Brigadier General Emmanuel Peralta na sumulat si Delos Santos sa kanila nitong Enero na humihiling ng extension para sila ay tumira roon pero hindi ito inaprubahan.