Manila, Philippines – Nanindigan ang National Capital Region Police Office na hindi moro-moro ang ginagawa nilang pagdidisiplina sa buong pwersa ng Caloocan City Police district.
Ayon kay NCRPO Chief Director Oscar Albayalde, unang hakbang pa lamang ang ginawang pagsuspinde sa mga tauhan ng Caloocan police.
Kapag napatunayan na sangkot nga ang mga ito sa kaliwa’t kanang kontrobersiya at anomalya ay paniguradong mahaharap ang mga ito sa dismissal.
Sa katunayan, 2 bwan ang ibinigay na taning sa NCRPO ni PNP Chief Ronal ‘Bato’ Dela Rosa para imbestigahan ang pulis Caloocan.
Sa ngayon, ni-relieved na sa pwesto ang buong PCP 2, 4 at 7.
Sinabi pa ni Albayalde na bagamat wala pang eksaktong petsa, sasailalim sa re-training ang buong pulis Caloocan at pagkatapos nito, hindi na sila muling ibabalik pa sa dati nilang assignment.
Patunay lamang aniya ito na hindi nila tinotolerate o kinukunsinte ang kanilang mga kabaro.
Matatandaang ilang beses nang nadawit sa kontrobersiya ang Caloocan Police, kabilang na dito ang pagkakapatay sa Gr11 student na si Kian delos Santos, si Carlo Angelo Arnaiz at kamakailan, ang pagsalakay nila sa ilang bahay sa Caloocan na walang bitbit na search warrant at inireklamo pa na nagnakaw ng pera mga alahas at iba pa.