Manila, Philippines – Aabot na sa mahigit 51.7 million pesos ang naitalang halaga ng pinsala sa lalawigan ng Leyte dahil sa naranasang magnitude 6.5 na lindol nitong nakalipas na linggo.
Batay sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council – nasa 1,700 kabahayan ang napinsala ng pagyanig kung saan higit 700-bahay sa bilang na ito ang tuluyang winasak ng lindol.
Maliban sa gumuhong gusali, nagkabitak bitak na classrooms at natumbang tore ng kuryente may labing apat na kalsada at sampung tulay rin ang naapektuhan, pero nadadaanan na naman na ngayon ng mga motorist.
Sa interview ng RMN kay Department of Education Asec. Tonisito Umali – umabot sa 28 pampublikong paaralan ang naapektuhan ng lindol.
Kaugnay nito, umakyat na rin sa 329 ang mga nasugatan dahil sa lindol habang nasa siyam na libong indibidwal naman ang mga nagsilikas.
Ayon kay NDRRMC Spokesperson Romina Marasigan – naiwasan sana ang pagdami ng mga nasugatan kung hindi nagpanic ang mga residente.
Nananatili naman sa dalawa ang nasawi sa nasabing pagyanig.