NDRRMC at TELCOS, kinalampag ni Senator Poe kaugnay sa bigong pagpapadala ng disaster risk alerts sa publiko

Manila, Philippines – Kinalampag ni Senator Grace Poe ang National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC at mga telecommunication companies kaugnay sa kabiguang makapagpadala ng disaster risk alerts sa publiko.

Ayon kay Poe, ang pagpapadala ng warning o text alert sa publiko ukol sa mga kalamidad ay nakapaloob sa Republic Act 10639 o ang Free Mobile Disaster Alerts Act.

Dismayado si Senator Poe dahil walang natanggap na text message ang publiko kaugnay sa pananalasa ng bagyong Gorio sa Metro Manila.


Paalala ni Senator Poe na layunin ng batas na mabigyan ng alerto ang publiko para mapaghandaan ang mga kalamidad tulad ng bagyo, at lindol o matinding pagbaha.

Giit ng Senadora, napakahalaga ng mabigyan ng disaster risk alerts ang mamamayan upang maiwasan ang kaso ng pagkamatay o pagkasira ng ari-arian sa panahon ng pananalasa ng kalamidad sa bansa.

Facebook Comments