NDRRMC nakapagtala ng mahigit 57,000 pamilya na apektado ng habagat na pinalakas ng Bagyong Fabian, tatlong indibidwal naitalang nasawi

Umabot sa 57,037 families o katumbas ng 228, 872 indibidwal ang naitala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC na naapektuhan ng habagat na pinalakas ng Bagyong Fabian na nakalabas na sa Philippine area of responsibility.

Sa ulat ng NDRRMC, ang mga apektadong pamilya ay na-monitor sa Regions 1, 3, CALABARZON, MIMAROPA, Region 6, CAR, at NCR.

7,431 na pamilyang apektado ay nanatili ngayon sa 319 na evacuation centers habang 7,595 na pamilya ay nakitira sa kanilang kaanak.


Kaugnay nito nakapagtala rin ang NDRRMC na tatlong nasawi dahil sa sama ng panahon, isa dito ay 39 anyos na babae na mula sa Camp 8, Kennon Road Baguio.

Habang anim naman ang naitalang sugatan habang isa ang nawawala.

Sa ngayon dahil nagpapatuloy ang pagbuhos ng ulan, nakatutok ang NDRRMC sa sitwasyon sa mga lugar na nakakaranas ng sama ng panahon.

Facebook Comments