Tiniyak ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang paghahatid ng tuloy-tuloy na tulong sa mga naapektuhan ng malakas na pag-ulan na dulot ng shearline sa ilang rehiyon ng bansa.
Ayon kay NDRRMC Chairperson at Department of National Defense (DND) Officer-in-Charge Sr. Undersecretary Jose Faustino Jr., mandato sa kanila ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na ipagkakaloob ang lahat ng tulong sa mga apektadong mamamayan sa lalong madaling panahon.
Sa ngayon, aabot na ₱16 milyong halaga ng family food packs, emergency supplies at tulong pinansyal ang naipamahagi sa mga apektadong pamilya sa Bicol Region, Visayas provinces, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao at Bangsamoro sa pagtutulungan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Office of Civil Defense (OCD) at Armed Forces of the Philippines (AFP).
Aniya, asahan na ang mas marami pang supplies, equipment at assistance ang kanilang ipagkakaloob matapos ang konsultasyon sa mga lokal na opisyal kaugnay ng sitwasyon ng mga apektadong komunidad.
Nabatid na kanina, nakipagpulong si Faustino sa mga lokal na opisyal ng Misamis Occidental.