Manila, Philippines – Hindi pa rin matansya ng economic team ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ngayon ang magiging epekto sa ekonomiya ng bansa ng krisis sa Mindanao at idineklarang martial law sa rehiyon.
Ayon kay National Economic and Development Authority Executive Director Ernesto Pernia, anuman ang epekto nito sa paglago ng ekonomiya ay nakadepende sa kahihinatnan ng lahat lalo na kung gaano kabilis maibalik ang kapayapaan at kaayusan sa Mindanao.
Pero umaasa naman aniya silang mabilis na matatapos ang krisis at mareresolba kaagad ang karahasan para hindi madiskaril ang mga nakalatag ng proyekto at programa para sa rehiyon.
Tiwala rin si Pernia na gagawin ni Pangulong Duterte at mga security official ang nararapat para maibalik ang normal na buhay sa mga apektadong lugar at maprotektahan ang mga mamamayan.
Siniguro rin ni Pernia na mananatiling matatag ang pangkabuuang ekonomiya ng bansa sa kabila ng ganitong mga pansamantalang aberya o pagkaantala ng mga economic activities.
DZXL558