Negosyante, Patay sa Pamamaril

Cauayan City, Isabela- Tuluyang binawian ng buhay ang isang negosyante matapos pagbabarilin sa Barangay Balzain East, Tuguegarao City, Cagayan.

Kinilala ang biktima na si William Del Rosario, 41 taong gulang at residente ng Barangay Tanza sa Lungsod ng Tuguegarao.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas 3:30 ng hapon, Hunyo 21, 2020 naglalakad ang biktima sa kalsada kasama ang live-in partner na si Sheilane Ballad na taga Barangay Tanza patungo sa isang restaurant.


Nakasabay din sa paglalakad ng biktima ang suspek na kinilalang si Bonifacio Cauilan.

Nang makarating sa pinangyarihan ng insidente ay bigla na lamang naglabas ng baril ang suspek at ipinutok ng isang beses sa biktima.

Agad na tumakbo sa damuhan ang biktima subalit hinabol ito ng suspek at pinagbabaril na ng maraming beses na sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.

Tumakas naman ang suspek na nakasuot ng gray polo shirt at maong na pantalon.

Narekober ng SOCO Team sa pinangyarihan ng krimen ang tatlong (3) basyo ng Caliber 45, isang (1) unit ng cellphone at pera na nagkakahalaga ng Php723.00.

Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya kung ano ang motibo sa pamamaril at nagsasagawa na rin ng hot pursuit operation para sa agarang pagkakaaresto ng suspek.

Facebook Comments