Cauayan City, Isabela- Nadakip rin ng mga otoridad ang suspek na bumaril umano sa isang negosyante kagabi sa Barangay San Rafael, Roxas, Isabela.
Kinilala ang biktima na si Demy Buluran, 36-anyos, may-asawa at residente ng Brgy. Nueva Era, San Manuel habang ang nahuling suspek ay si Lando Simpliciano, 32-anyos, walang asawa, isang drayber at residente naman ng Brgy. Nuesa, Roxas, Isabela.
Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya, binabagtas umano ng biktima ang timog na bahagi ng daan patungo sa bayan ng San Manuel sakay ng kanyang pribadong sasakyan na may plakang XNC 268 at ilang saglit pa ng harangin ng suspek lulan naman ng kanyang motorsiklo at pagbabarilin ang biktima.
Nagawang humingi ng tulong ang biktima sa mga kasapi ng Roxas Police Station na nakabantay sa Quarantine Checkpoint kung kaya’t agad na nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga ito at nadakip ang suspek.
Nabatid na nagtamo ng sugat sa dibdib at paa ang biktima matapos ang pamamaril at isinugod sa pagamutan sa bayan ng Roxas at kalauna’y inilipat sa ibang ospital.
Inaalam naman ng mga otoridad ang motibo sa nangyaring insidente ng pamamaril sa biktima.
Narekober sa crime scene ang pitong (7) basyo ng bala ng caliber 9mm habang nasa kustodiya ngayon ng BJMP Roxas ang suspek na nahaharap sa kasong Frustrated Murder.