*Cauayan City, Isabela*- Nahuli ang isang negosyante matapos magbenta ng sobrang presyo na mga alcohol kahapon sa Brgy. Centro 10, Tuguegarao City, Cagayan.
Kinilala ang suspek na si Samuel Malupeng, nasa hustong gulang at residente sa nasabing lugar.
Ayon kay P/LtCol. Chevalier Iringan, tagapagsalita ng Police Regional Office 2, nahuli ang suspek matapos makatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad sa ginagawa ng suspek at agad na ikinasa ang entrapment operation ng pinagsanib na pwersa ng Criminal Investigation and Detection Group 2, Food and Drug Administration RO2, Regional Anti-Cyber Crime Unit 2, Regional Intelligence Unit 2, at Provincial Intelligence Branch Cagayan PPO.
Nakumpiska sa suspek ang 150 bote ng 1000ml na 70% Isopropyl Alcohol na walang labeled at nagkakahalaga ng P340 kada bote at 3 bote ng 500ml na 70% ‘Guardian’ Alcohol na nagkakahalaga ng P260 kada piraso kung saan higit na mataas sa Suggested Retail Price.
Tinatayang nasa mahigit 20,000 libong piso ang kabuuang halaga ng presyo ng mga ibinebentang alcohol ng suspek.
Sinampahan na ng kasong paglabag sa RA 7581 o Price Act; RA 7394 o Consumer Act of the Philippines at paglabag sa RA 11332 o “Law on Reporting of Communicable Diseases”
Paalala naman ng pamunuan ng Police Regional Office 2 sa publiko na makipagtulungan sa kanila para sa ikadarakip ng iba pang magbabalak na magbenta ng mataas na presyo ng alcohol sa kabila ng nakasailalim na sa State of Calamity ang bansa dahil sa COVID-19.