
Maghahain ng resolusyon si Senator Loren Legarda para paimbestigahan ang pagkakaroon ng network at koneksyon sa bansa ng kontrobersyal na sex offender na si Jeffrey Epstein.
Ito’y matapos matuklasan na mayroong grupo sa bansa na tumutulong kay Epstein para burahin ang bakas ng mga iligal na aktibidad nito sa web.
Sa sesyon sa plenaryo ay sinabi ni Legarda na maghahain siya ng resolusyon para hilingin sa Department of Justice, sa National Bureau of Investigation at maging sa Committee on Women na siyasatin ang impormasyon na mula pa noong 2010 ay may network sa bansa si Epstein na tumutulong para burahin ang kanyang mga pedophile activities sa internet.
Partikular na ipasisilip ni Legarda ang “Epstein footprint” sa Pilipinas gayundin ang mga organisasyon at mga sindikatong nagtrabaho para sa naturang sex offender.
Aalamin din kung ano ang mga PR companies na tumulong kay Epstein na linisin ang mga physical at digital images nito.
Bago ito ay nagpahayag din ng suporta si Legarda sa panukala ni Senator Risa Hontiveros na amyendahan at mas palakasin ang mga batas laban sa online sexual abuse sa mga kabataan.










