Hinigpitan ng ilang establisyemento sa Dagupan City ang pagsusuri sa mga Persons with Disability o PWD ID na ipinapakita ng mga kostumer upang makakuha ng diskuwento.
Makikita sa mga cashier counter ang mga paalala laban sa paggamit ng pekeng PWD ID bilang bahagi ng mas mahigpit na pagsusuri sa mga ID na inihahain ng mga kostumer.
Para kay Regie Soriano, isang magtataho, hindi tama ang paggamit ng pekeng PWD ID para lamang makakuha ng diskuwento dahil posibleng mawalan ng benepisyo ang mga taong tunay na karapat-dapat dito.
Hindi rin sang-ayon si Ricky Muyergas sa pamemeke ng PWD ID. Aniya, wala ring miyembro ng kanilang pamilya ang may ganitong ID.
Lumutang ang usapin matapos magpahayag ng pag-aalala ang Department of Justice o DOJ sa umano’y halos anim na milyong pekeng PWD ID.
Nagpahayag din ng pag-aalala si Senator Raffy Tulfo sa pagdami ng mga gumagamit ng pekeng PWD ID upang makakuha ng 20 porsiyentong diskuwento.
Ayon sa kaniya, umaabot umano sa ₱88 bilyon ang nawawalang buwis sa gobyerno, habang nasa ₱166 bilyon naman ang tinatayang pagkalugi ng mga negosyo, karamihan ay mga restawran, dahil sa isyu.
Samantala, nasa dalawang milyon lamang umano ang lehitimo at rehistradong PWD ID sa National Council on Disability Affairs o NCDA. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










