Binigyang-linaw ng Kapamilya actress Angel Locsin ang kanyang hinaing laban sa pagpapatigil ng operasyon ng ABS-CBN noong Mayo 5.
Sa ini-upload na video ng aktres sa Facebook, una na niyang nilinaw na hindi niya layong magbigay ng pahayag para sa serbisyong ibinibigay ng network.
“Ang sa’kin lang po, kung maipapangako po na ‘yong mga mawawalan po ng trabaho sa gitna ng pandemic, magkakaroon po sila ng trabaho na may parehong sweldo, na may parehong benepisyo, dahil ilang taon po ang ibinigay nila do’n para maabot nila yung estadong ‘yon,” saad niya.
Sakaling mangyari raw ito ay walang kahit ano’ng maririnig na salita mula sa kanya na aniya’y malabong mangyari dahil hanggang ngayon ay marami pa raw ang walang hanapbuhay.
Nilinaw din ng aktres na hindi ito laban na taliwas sa gobyerno.
Sabi niya, “I wish our president the best dahil hindi po natin malalampasan ang pandemyang ‘to kung wala po siya. Naniniwala po ako na dapat sa panahon ngayon ay magkaisa po tayo at magtulungan.”
Ayon kay Angel, ang kanyang inilalaban ay ang mabigyan ng extension ang prangkisa ng ABS-CBN gaya ng ibang kumpanya na nabibigyan ng pagkakataon kapag nag-eexpire ang kanilang prangkisa.
“Nilalaban ko lang po kung ano ang tingin ko pong patas, kung ano’ng pantay-pantay dahil naniniwala rin po ako dyan,” giit ni Angel.
Sana raw ay mabigyan ng araw ang network sa Kongreso para maharap umano nila ang mga paratang laban sa kanila at mabigyan ng pagkakataon sa tamang paglilitis.
Paglilinaw niya, hindi raw sila para humingi ng VIP treatment.
“We are asking for a fair chance, na ‘yon naman po ang gusto ng Kongreso, ‘yon naman po ang gusto ng Senado. May tamang oras para sa tamang paglilitis,” saad niya.
Kung sakali naman daw na may pagkakasala ang ABS-CBN, ay tama lang na sundin ang batas lalo pa kung mapapatunayan umano ito.
“Kung mayroon pong pagkakamali, ayusin. Kung sino man nagkasala, parusahan. Pero ayusin po natin ang mali,” dagdag ng aktres.
Kasama sa mga tinukoy ng aktres na ang lahat umano ng kumpanya ay may pagkakataong mag-improve at itama ang lahat ng mali.
Isinama rin niya si Jobert Sucaldito dahil sa naging komento nito tungkol kay Nadine Lustre at sa hindi pagpapa-regular ng ilang empleyado ng ABS-CBN.
Sa kabilang banda sabi niya, “Sa ABS-CBN, kung mabibigyan po tayo ng second chance, itama po natin ang lahat ng pagkukulang natin. Pasalamatan ho natin yung mga tao na sumuporta sa laban. Mas bigyan po natin ng tamang alaga ‘yong mga nagtratrabaho sa ABS-CBN kasi sila po ‘yong sumuporta sa laban na ito.”
Humingi rin siya ng paumanhin sa lahat ng mga nawalan ng trabaho dahil ngayon lang umano sila nagsalita at humarap.
“Let’s heal as one. To SolGen Calida, to NTC, how do you expect us to heal as one kung kayo po mismo ang susugat sa’min? Naniniwala po ako sir na marami ho kayong nagawang maganda para sa bayan natin. Naniniwala po ako do’n. Pero kung tinuloy niyo po ang decision na ito, kahit ano pong degree niyo, talino, position, achievements, hindi po yun ang matatandaan ng tao,” giit ng aktres.
“Ang matatandaan po nila, you will go down in history bilang kayo po ang taong pumatay sa ABS-CBN at dumurog sa napakaraming tao sa gitna ng pandemic. Yon ho yung matatandaan namin sir at huwag niyo pong hahayaang manyari yun,” dagdag niya.
Sa huli ay muling nakiusap si Angel sa pagkakaisa at pagtutulungan ng lahat sa gitna ng krisis.
Maalalang noong ipinatigil ang operasyon ng ABS-CBN noong Mayo 5 ay naglabas ng saloobin sa Instagram ang aktres laban dito.