Manila, Philippines – Nilinaw ni PNP Chief Police Director General Oscar Albayalde na nagla-lapse ang assignment ng bawat protective security detail na itinalataga sa mga elective officials o di kaya ay sa mga VIP’s.
Ginawa ni PNP Chief ang paliwanag matapos ang tila pagrereklamo at paninisi ni Senator Antonio Tillianes kay Pangulong Rodrigo Duterte sa pagbawi at pagbawas ng kanyang security detail.
Sinabi ni Albayalde, may partikular na panahon lamang ang mga security detail na itinatalaga sa mga elective officials at mga VIP’s.
Kapag nag-lapse na aniya ang panahon ng assignment ng mga itinalagang security detail ay binabawi na ito ng PNP.
Sakaling gusto pa ng isang elective officials o VIP’s na magpatuloy ang serbisyo ng security detail sa kanila ay kailangan nila muling humiling sa PNP.
Habang ang PNP ay magsasagawa naman ng re-evaluation sa mga humihiling pa ng security detail.
Batay sa Alunan Doctrine dalawang security details lamang ang maaring italaga sa mga VIP’s at mga elective officials, exempted naman dito ang presidente, vice president, senate president, house speaker at chief justice dahil maaring lumampas ng dalawa ang kanilang security detail.
Dagdag pa ni Albayalde hindi rin sabay-sabay ang pagaalis at pagbibigay ng protective security detail sa mga elective officials at VIP’s dahil depende aniya ito sa kung kelan sila nabigyan ng security detail at kailan ang expiration nito.