Sinimulan na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang paglilinis ng campaign materials at election paraphernalia na nagkalat sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila.
Ayon sa MMDA mahigit 100 street sweepers at clearing group members ang idineploy sa ilang lugar sa Parañaque, Taguig at Makati kasama ang mga lokal na pamahalaan na naglunsad din ng kani-kanilang clean-up operations.
Bukod sa pangunahing lansangan, nag-deploy din ang MMDA ng ilang tauhan sa mga lugar sa Metro Manila kung saan humingi ng tulong ang lokal na tanggapan ng COMELEC para tanggalin ang mga nagkalat na campaign materials.
Sa ngayon, umabot na sa 15.81 cubic meters na basura ang nahakot ng MMDA sa katatapos lamang na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.
Karamihan sa mga election paraphernalia na nakolekta ay papel, plastik at tarpaulin na naiwan sa mga kalsada, polling precincts, eskwelahan at pampublikong lugar.