Ang pag-ibig ay parang sugal. Hindi mo alam kung mananalo ka o hindi. Minsan talo, minsan nakaka-jackpot ka pero sa panahon ngayon, masasabi mo bang tanghali na nga lang ba ang tapat?
Ito ang mga senyales kung paano mo malalaman kung niloloko ka lang ng partner mo.
- Hindi ka niya sine-seryoso.
Para sa kanya, lahat ng ito ay isang laro lang at ikaw ang bolang pinapaikot-ikot niya. Maraming relasyon ay dumadaan ng trial and error; minsan naman makikita mo na ang future ninyong dalawa. Pero para sa kanya, pansamantala lang ang tingin niya sa inyong dalawa o hindi ka sinusuyo kapag nagtatampo ka. Madalas pa kayong hindi nagkakaintindihan o nagsisimula siya ng away mula sa mga maliliit na bagay.
- Nawawalan siya ng gana.
Noon, sobrang clingy niya na halos hindi niya kayang hindi ka kausapin pero ngayon, malabo na siyang kausap. Hindi niya masagot nang maayos ang mga tanong mo at hindi ka niya kayang harapin. Papaniwalain ka niyang mahal ka niya at ikaw lang nasa isip niya habang iba naman talaga ang nasa isip niya. Maabutan mo pa na madalas siyang nasa phone niya kahit magkasama kayo at kapag tinanong mo siya kung ano tinatawanan niya, itatago niya pa yung cellphone niya.
- Madalas na siyang magsinungaling.
Kahit sino naman kayang hulihin ang mga taong nagsisinungaling, yung iba ginagalingan lang sa pagsisinungaling. Minsan, kasama pa mga kaibigan niya o kaibigan ng mga kaibigan niya. Isa pa ay kahit sa mga maliliit na bagay ay nagsisinungaling na siya kahit hindi naman kinakailangan. Meron siyang tinatago na ayaw niyang ipaalam sa’yo. Kaya kapag nag-demand na siya ng “privacy,” kabahan ka na dahil for sure, meron talaga siyang tinatago.
- Bigla kang aakusahan na ikaw ang nanloloko.
Kahit alam mo sa sarili mo na mas tapat ka pa sa tanghali, ayaw niya lang mahuli mo siya na niloloko ka. Ito yung tipong tumawa ka lang dahil sa napanood mo sa Facebook, titignan ka nang masama tapos tatanungin ka kung may kausap kang iba. Minsan bibiruin ka pa kung kausap mo “crush” mo kahit kausap mo tatay mo. Bigla siyang magkakaroon ng interes sa mga ginagawa mo para hindi mo siya mahuli. Gagawin ka pa nilang masama kahit loyal ka sa kanya.
- Nag-aayos siya ng pananamit pero hindi para sa’yo.
Minsan maaabutan mo siyang aayusin buhok niya bago pumasok sa classroom o kaya gumagamit na siya ng pabango; ito ang mga senyales na nagpapa-pogi siya pero kung wala ka naman sa pupuntahan niya, may pino-pormahan siya. Hindi naman masyadong pala-ayos ang lalaki maliban na lamang kung nagpapa-impress siya sa iba maliban sa’yo, lalo na kung ordinary work day lang yan.
- Hinahayaan niyang matulog kayo nang hindi pa kayo nagkakaayos.
“A couple shouldn’t sleep without resolving their problem;” dahil mahirap ang matulog nang mabigat ang pakiramdam. Lalo na kung mabigat ang problemang ‘yon. Kung hinahayaan niya lang na patagalin ang problema ninyo at magiging cold na siya sa’yo, posibleng paraan niya ito para tapusin na ang relasyon ninyo.
- Lagi siyang nagba-back out sa desisyon/lakad ninyo.
Lagi siyang may dahilan para hindi kayo magkita o kung bakit di niya sinasagot mga tawag mo. Kahit matagal niyo nang pinagusapan, magb-backout siya kapag malapit na kasi may “unexpected” daw na pangyayari. Minsan malabo pa yung mga rason niya, minsan hindi na kapani-paniwala o paulit-ulit na.
Kung isa sa mga ito ay napansin ninyo sa partner ninyo, siguraduhin mo na muna. Pag-usapan niyo muna kung ano pa ba kayo o kung bakit kakaiba ang mga kinikilos niya sa mga nakalipas na araw, linggo, o buwan. Pero kung totoo naman ang kutob mo, iwanan mo na. Hindi mo kailangan ng taong hindi ka kayang mahalin kung sino ka.