Tuguegarao City, Cagayan – Naagapan ng mga kasapi ng PNP Tuguegarao City ang naganap na panloloob ng mga kawatan sa Rural Bank of Mallig na nasa lungsod ng Tuguegarao, Cagayan.
Sa panayam ng RMN Cauayan kay Police Superintendent George Cablarda, hepe ng PNP Tuguegarao City, sinabi niya na malaking tulong ang ginawang pagpapaabot kaagad ng mga nakatira sa ikalawang palapag ng gusali.
Aniya, narinig umano ng mga boarders na may nagpupukpok sa first floor ng gusali o sa bangko kaya’t itinawag na ito agad sa pulisya.
Pahayag pa ni Police Superintendent Cablarda na sa ilalim ng tulay malapit sa bangko ang ginawang daanan ng mga suspek kung saan ay may layong 400 meters.
Dalawang katao umano ang nakita sa CCTV sa lugar ngunit hindi mamukhaan sa dahilang nakabonete ang mga suspek.
Idinagdag pa ng hepe na may nakitang bag at kahoy sa loob ng kanal at mga gamit din sa loob ng bangko na maaring ginamit ng mga suspek sa pagbutas sa sahig ng nasabing bangko.
Samanatala, wala umanong maaring matangay ang mga suspek dahil sa hindi nag-iwan ng pera sa loob ang bangko maliban na lamang ang muntikang nabuksan na vault ng Rural Bank of Mallig.