Manila, Philippines – Nagpapatuloy ang pagre-review ng legal team ng
Malacañang sa nilalaman ng Executive Order para sa kontraktwalisasyon na
una nang inihain ng mga labor groups.
Ito ang sinabi ni Labor Undersecretary Jacinto Paras, kasunod ng pagkilos
na isinagawa ng mga labor groups sa Mendiola kahapon.
Ayon kay Paras, wala namang itinakdang deadline ang magkabilang panig sa
kung kailan dapat malagdaan ng Pangulo ang Executive Order.
Taliwas ito sa akusasyon ng mga labor groups kung saan sinabi ng mga ito na
tila ay kinalimutan na ng Pangulo ang kaniyang pangako sa mga manggagawa.
Ayon kay Paras, hindi naman pinapabayaan ng pamahalaan ang kapakanan ng mga
manggagawa. Halimbawa aniya ang pagkakapasa ng bill sa Kongreso para sa
ikaaalis ng kontrakwalisasyon habang ang counterpart nito sa Senado ay
minamadali na rin.